Paano ba nagkakaisa, nagkakaintindihan at nagkakaunawaan ang isang lipon ng mga tao sa isang bansa? Nagkakaisa tayong mga Pilipino, hindi dahil sa ating itsura o pananamit, sa ating paniniwala at mas lalong hindi dahil sa ating kilos o asal. Nagkakaisa tayong mga Pilipino dahil may isang bagay ang nagbibigay linaw sa atin upang tayo'y magkaunawaan. Ito ay ang ating wika.
Ang wikang Filipino ang bumubo sa ating pagka-Pilipino. Kung titingnan natin, mapapansin natin na ang isang bansa ay hindi makukumpleto kung wala ang kanilang sariling wika. Ito'y hindi lamang isang paraan ng pakikipag-usap sa kapwa, kundi, ginagamit rin upang mailabas natin ang ating sariling saloobin.
Ngunit, marami ng mga Pilipino ang hindi gumagamit ng ating wika. Minsan pa nga'y kinakahiya na ito, hindi binibigyang halaga at basta na lamang kinakalimutan ng iba.
Tayong mga Pilipino, iisa lamang ang ating wika. Kahit saan mang sulok ng mundo tayo pumunta, sana'y patuloy parin nating gamitin, mahalin, pangalagaan, at pagyamanin ang ating sariling wika. Marami man tayong pagkakaiba, hiwa-hiwalay man ang ating mga pulo, iba-iba man tayo ng paniniwala at relihiyon, meron parin tayong tinatawag nilang PAGKAKAISA. At dahil dito, masasabi ko at kaya kong ipagsigawan sa buong mundo, AKO AY PILIPINO AT FILIPINO ANG WIKA KO!
Ikaw, kaya mo bang ipagmalaki at ipagsigawan sa buong mundo na ikaw ay Pilipino at Filipino ang wika mo?
This is an entry to the Buwan ng Wika 2011 Blog Writing Contest sponsored by the Alabel National Science High School-SAKAFIL and The Teacher’s Notebook.